Todas ang dalawang lalaking hinihinalang ‘tulak’ ng ipinagbabawal na droga matapos na manlaban sa mga miyembro ng Manila Police District-Police Station 3 na nagsagawa ng buy-bust operation, kamakalawa sa may Cambodia Alley, Arlegui Street, Quiapo, Maynila.
Hindi na naisalba ng mga doktor sa Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) ang mga suspek na sina Nazzer Guito, alyas Nash, 35-40, nakatira sa may barong-barong sa nabanggit na lugar; at alyas Kulot, na may tatong ‘Keshih’ sa kanang braso at tribal tattoo sa kaliwang braso.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Donald Panaligan ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-8:45 ng umaga sa nabanggit na lugar.
Umakto umanong poseur buyer si PO3 Gener Paguyo, pero nakahalata umano ang mga suspek na pulis ang katransaksiyon kaya kaagad na bumunot ng baril si Guito at binaril si Paguyo na nakakubli.
Nakita naman ni PO3 Juanito Arabejo na nanganganib na ang kanilang buhay kaya pinaputukan si Guito.
Narinig naman ni Kulot ang putukan dahilan para paputukan ang mga pulis na kaagad namang gumanti ng putok.
Isinugod sa pagamutan ang dalawa pero idineklarang patay dakong alas-9:20 ng umaga sa naturang pagamutan.