Tumimbuwang ang dalawang lalaki na hinihinalang ‘tulak’ ng ilegal na droga makaraang pagbabarilin ng mga ‘di kila­lang salarin sa magkahiwalay na insidente sa Parañaque at Taguig City, kahapon ng hatinggabi.

Dead-on-the-spot ang mga biktimang sina Ruel Loterte y Lacaba, 42, may-asawa, construction worker, naninirahan sa No. 115 Sitio Malaya, Barangay Merville, Parañaque City at Joel Avila y Asosano, 21, binata ng Santol Extension, Brgy. Katuparan, Taguig City, sanhi ng tinamong mga tama sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Base sa report, dakong alas-12:45 ng hatinggabi ng maganap ang pamamaril kay Loterte sa pintuan ng kanyang bahay sa No. 115 Sitio Malaya, Brgy. Merville, Parañaque City.

Isang armadong lalaki ang kumatok sa pintuang kahoy ng bahay ng biktima dahilan upang silipin sa butas ni Loterte subalit biglang binaril nang ilang beses na tumama sa ulo na sanhi ng agarang pagkamatay nito.

Kinumpirma naman ng anak ng biktima na si Rosselle, na umano’y kabilang ang kanyang ama sa drug watchlist ng barangay at ng pulisya.

Samantala, dakong alas-10:10 ng gabi naman pinagbabaril ng mga hindi kilalang salarin ang binatang si Avila na ikinasawi nito sa Guyabano St., Brgy. Katuparan, Taguig City.

Bukod sa kilalang tulak at gumagamit ng droga, isa rin umanong kawatan si Avila sa kanilang lugar at kabilang sa drug watchlist ng Taguig City Police.