Tinatayang nasa 20 miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang iniulat na nasawi sa nangyaring sunud-sunod na airstrike operation ng Philippine Air Force (PAF) sa Sumisip, Basilan kahapon ng hapon.

Ayon kay Joint Task Force-Basilan commander Col. JuvyMax Uy, nitong Huwebes pa umano sila nagsimula ng airstrike.

Kahapon ng mada­ling-araw, ang kanilang puwersa sa pangunguna ng 4th Special Forces Battalion na armado umano ng night fighting capabi­lity ay nagawang makalapit ng ilang metrong layo sa pinagkukutaan ng Abu Sayyaf sa Barangay Pamadsakel, Sumi­sip, Basilan kung saan pinaniniwalaan silang kumukup­kop kay ASG sub-leader Puruji Indama.

Sinabi pa ni Uy na nagulantang umano ang terrorist group sa ginawang sorpresang paglusob ng tropa. Marami umanong miyembro ng grupo ang agad na nagsitakas suba­lit karamihan sa kanila ang sinawimpalad na tinamaan ng airstrike.

Nakarekober ang militar sa lugar kung saan ang pagbagsak ng bomba sa kuta ng ASG ng ilang mga suplay ng pagkain, ilang explosive component sa paggawa ng bomba at tatlong live improvised explosive device (IED) na na-idetonate ng isa sa mga nasawi dahilan ng pagkasugat ng dalawang kasapi ng operating forces.

Nagkaroon pa umano ng running gun battle sa pagitan ng militar at mga bandidong tumakas at nagpapatuloy habang isinusulat ang ulat na ito.

One Response