Isang babae o bata ang nabibiktima ng panggagahasa kada 72 minuto.
Katumbas ito ng 20 kaso ng rape na idinudulog sa loob ng isang araw.
Ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, base ito sa crime statistics ng Philippine National Police (PNP) sa unang limang buwan ng taong 2018.
Umaabot aniya sa 2,962 ang nai-report na kaso ng panggagahasa mula Enero hanggang Mayo ng nakalipas na taon.
Posibleng mas mataas pa aniya ang bilang dahil kadalasan ay hindi na nagsusumbong sa pulis ang mga nabibiktima.
“Despite the Duterte regime’s unrelenting campaign against drugs and criminals, rape statistics in the Philippines remains troubling, with one Filipina raped every 72 minutes, and thousands more sexually harassed especially in public places,” paghahayag ni Brosas.
Umaabot sa 56 pulis na umano ayon pa kay Brosas ang nasangkot sa rape at sekswal na pang-aabuso simula nang maluklok sa kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte.
Bunsod nito, kinakailangan aniyang maaktuhan ang panukala na magpapalakas sa Anti-Rape Law.