Dalawampung karton ng de latang `Maling’ na galing sa China ang sinamsam ng mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) sa isang babaeng negosyante kamakalawa ng hapon sa Binondo, Maynila.

Kinilala ni PMajor Rosalino Ibay, hepe ng SMaRT, ang suspek na si Suanting Lin, 43, ng 11th floor, 194 one Wilson Place,Wilson St., San Juan City.

Sinabi ni Ibay na alas-3:30 ng hapon nang makumpiska ng mga pulis sa puting Honda CRV (DAJ-4639) ng suspek ang 20 kahon ng Maling na ang bawat isa ay naglalaman ng 48 piraso, matapos ang isang test buy operation sa kanto ng Reina Regente st. at Alvarado St., sa Binondo.

Nagsagawa muna ng test buy ng Maling may tatak na Me-Leing ang mga pulis at nang makumpirma ay saka nagpa-deliver.

Nabatid na mula noong Agosto, 2018 ay mahigpit nang ipinagbawal ang nabanggit na pork meat dahil sa African Swine Fever.

Sinampahan ng paglabag sa RA 10536 kilala bilang “Meat Inspection Code of the Philippines” ang suspek. (Juliet de Loza-Cudia)