Lagpas na sa 20,000 menor-de-edad ang kabilang sa mga drug personalities sa bansa na sumurender sa isinasagawang Oplan Tokhang ng Pambansang Pulisya na bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Ito ang report na nakuha umano ng Gabriela party-list group sa Kamara mula sa Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP-WCPC).

Ayon sa nasabing grupo na kinakatawan nina Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas, inaasahan na madadagdagan pa ang 20,548 menor-de-edad na kabilang sa mahigit 700,000 na sumurender dahil ang datos na ito ay naitala mula Hulyo 1 hanggang Agosto 28, 2016 lamang.

Base naman anila sa nakuha nilang report sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula 2011 hanggang Hunyo 2016, umaabot sa 889 menor-de-edad ang nahuli kung saan 383 dito ay nakuhanan ng droga at 343 ang drug pushers kung saan ang pinakabata ay 6-anyos.

Dahil dito, lalong natakot sina De Jesus at Brosas sa panukalang ibaba sa 9-anyos mula sa 15-anyos ang paparusahan kapag nakagawa ang mga ito ng kasalanan sa batas tulad ng paggamit o pagtutulak ng droga.

“Clearly, branding 9 years old as criminals and making them liable for violating laws in ways that are no different from adults and hardened criminals will only destroy their future,” ayon sa grupo.

Dahil dito, iginiit nila na isantabi ang panukalang ito sa Kongreso dahil kung hindi ay mabibilang ang 20,000 menor-de-edad na ito sa paparusahan ng parusang katupad ng ipinapataw sa mga matatanda.

2 Responses

  1. so ibig nyong sabihin mga Madam De Jesus at Brosas na ok lang pala na malulung sa droga at gumawa ng krimen ang mga menor de edad. dahil pag pumasa ang batas na ibaba ang edad sa 9 y.o ay masisira ang kanilang future. sa tingin nyo ba kong mananatili sa 15 ang accountability sa krimen ay matutupad ang kanilang future kahit na pabalik.balik ang ginagawa nilang pagdudroga at krimen?

    panu naman kong makapatay sila at di sila liable sa krimen na ginawa nila dahil menor de edad, anong mangyayari sa kanilang napatay? sabihin nalang ba natin na bata kasi sya at menor de edad pa. panu ang future ng biktima mga madam De Jesus at Brosas?

  2. Ganun na kalala ang drugs sa ating bansa… kaya medyo mahihirapan ang ating pamahalaan sa pag tuwid, pero pag patuloy lang ang kampanya sa drug at maayos din yan… mabuhay ang mga kapulisan at sa ating pangulo.