Hindi na riding-in-tandem kundi isang grupo na binubuo ng 20 tauhan na pawang maskarado ang nagtulung-tulong na bistayin ng bala ang apat katao na mula sa dalawang pamilya na sinasabing sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga sa San Juan City kamakalawa ng gabi.
Unang napatay ang mag-asawang Nicholas Evan Pinili, 48, at Mercedes Pinili, 48, kapwa residente ng no. 1 Dr. B., Barangay Progreso, San Juan City.
Ang mag-asawa ay pinagbabaril ng mga kalalakihang pawang naka-bonnet na sa pagtataya ng ilang nakasaksi sa krimen ay nasa 20.
Makalipas ang limang minuto napatay naman ang magbayaw na sina Anthony Zamora, 37, at Jonathan Yamba, nasa hustong gulang, kapwa residente ng no. 112 D, Morales Street, Barangay Salapan, San Juan City.
Base sa rekord ng pulisya ang mag-asawang Pinili ay kapwa umanong drug users na sumuko sa Oplan Tokhang, habang ang magbayaw naman na Zamora at Yamba ay mga drug surrenderee rin na may kategorya namang drug pusher.
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Romulo Sapitula, dakong alas-11:00 ng gabi nang pasukin ng may 20 hindi kilalang suspek na pawang mga nakasuot ng bonnet ang mag-asawang Pinili sa kanilang tahanan at walang sabi-sabi ay pinagbabaril na kapwa humandusay at tuluyang nalagutan ng hininga.
Pagsapit naman ng alas-11:05 ng gabi ay pinasok din sa kanilang tahanan sina Zamora at Yamba, saka pinagbabaril ng nasabi ring grupo ng mga salarin.
Malaki ang hinala ng pulisya na may kinalaman sa ilegal na droga ang pagpatay sa mga biktima.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya para matukoy ang tunay na dahilan ng krimen at makilala at madakip ang mga salarin.
Aalamin din kung mayroong nakalagay na close circuit television sa pinangyarihan ng insidente at kung nahagip ang pagpasok at pagtakas ng mga salarin upang makilala ang mga ito.