Nasa 20 opisyal ng National Center for Mental Health (NCMH) at tatlong indibidwal na kasabwat diumano sa pagbili ng mahigit P30 milyong CT scan equipment na hindi naman napapakinaba­ngan ang sinampahan ng patong-patong na kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman.

Ayon kay NBI spokesman Ferdinand Lavin, isinampa na sa Ombudsman kamakalawa ang mga kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), RA 9184 (Government Procurement Act), at gross negligence and serious dishonesty, laban kina Dr. Bernardino Vicente (retired) NCMH Medical Center chief II; mga opisyal at kawani na sina Dr. Beverly Azucena, Clarita Avila, Dionisio Tolentino, Dulce Valerio, Godofredo Valles, Dr. Jerkin Go, Engr. Esteban Gamurot, Dr. Alden Cuyis, Dr. Jumelyn Perez, Dr. Cynthia Agustin, Belma Cruz, Publio Plotena, Dr. Christopher Christian Chu, Jerry Rodriguez, Arturo Salcedo, Dr. Evelyn Belen , Engr. Darwin Pastor, Solidad Yambao, Ma. Charina Aberin, at mga pribadong indibidwal na sina Ronald Tan, general manager ng RJJL Construction and Trading; at Ronald Allan Gacoscos.

Humarap din sa media ang kinatawan ng Employees Union Association ng NCMH na tumatayong complai­nant sa kaso na nagbunyag na may iregula­ridad sa biniling CT scan equipment na ‘non-functional’.

Nabatid na nagkaroon umano ng sabwatan nang tanggapin ang idineliber ng Technomed International Inc. kahit hindi umano nakasunod ang mga contractor sa testing at commissioning na isinasaad sa kontrata at lagpas na umano sa warranty provision ang CT scan project . (Juliet de Loza-Cudia)