Dumating kagabi ang may 20 pang overseas Filipino workers (OFWs) na stranded sa Saudi Arabia kasunod ng ginawang pagpunta ni Labor Secretary Silvestre Bello III para ayusin ang pagpapauwi sa kanila sa bansa.
Bukod sa 20 nakabalik kagabi may nauna pang 20 OFWs ang nakauwi na sa kani-kanilang mga pamilya na naunang dumating kamakalawa ng gabi.
Ang mga naturang OFWs ay kabilang sa mga tinanggal sa trabaho sanhi ng pagbagsak ng ekonomiya ng Saudi Arabia dahil sa sumadsad na presyo ng langis na kanilang pangunahing produkto.
Bago sinaklolohan, ilang sa mga ito ay namumulot na lamang sa basurahan para may makain, ang iba ay nag-iigib na lamang ng tubig para may maipambili ng pagkain.