Nasa 20-katao ang su­gatan sa dalawang naganap na pagsabog sa isang Liquefied Petroleum Gas (LPG) refilling station na nauwi pa sa sunog sa Pasig City kahapon ng madaling-araw.

Sa report ni Senior Inspector Anthony Arroyo ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Pasig City, dakong alas-1:06 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Ragasco refilling station, na nagre-refill ng mga LPG tanks, na matatagpuan sa Sandoval St. sa Brgy. San Miguel nang nasabing lungsod.

Naipon na LPG fumes umano ang siyang pinagmulan ng pagsabog, na nauwi sa sunog at na­damay ang mga kalapit na bahay, isang hardware store at maging ang Flying V gas station at Omni Gas Corporation.

Nakilala ang ilan sa mga nasugatan na sina Epifanio Ausa, 50, manggagawa sa kalapit na furniture store na nadaganan umano ng bumagsak na bahagi ng pader; at mga empleyado ng Ragasco na sina Adonis Munoz, 22; Jayro Soriano, 22; Jectopher Cawili, 21; Romeo Eugenio, 28; Camilo Alcaraz, Jr, 18; Alejandro Conrad, 42; Raymundo Saturnino, 20; Jason Dagaw, 25; Philip Villota, 28; Domingo Guira, 29; Jeffrey Eugenio, 35; Raymart Eda, 22; Joel Eda, 28; Ramil Reden, 21; Arvin Bautista, 20; Jeter Brillantes, 25; Noriel Salamio, 22; Bryan Ludrico, 20 at William Khey, 39.

Ang 13 umano sa pas­yente ay kritikal ang kondisyon matapos na magtamo ng 3rd degree burns.

Unang iniulat na uma­bot sa 23 hanggang 26 ang nasugatan sa insidente ngunit naibaba ito sa 20 dahil nagkadoble-doble lamang umano ang rekord ng BFP.