20 tindahan sa Gapo biktima ng Budol-budol

Aabot sa 20 tinda­han sa Olongapo City ang nabiktima umano ng Budol-Budol Gang na ang iba ay idinaan na lamang sa pag-post sa kanilang Facebook page ang insidente habang nakipag-ugnayan naman sa mga awtoridad ang ilan upang magreklamo.

Nakapanayam ng TONITE kamakalawa ang isa sa mga nabiktima na si Edna Deblois, store owner sa Boton, Brgy. New Cabalan na nabudol-budol ng mga suspek na tatlong katao kabilang ang isang babae na nagpakilalang promo girl ng mga processed meat kung saan ang modus operandi ng mga ito ay aalukin ng chest free­zers ang kanilang mga biktima na pawang may ari ng tindahan sa Olo­ngapo City at pagkatapos makakuha ng down payment na aabot sa P8,000 biglang maglalaho.

Nagpakilala umano ang mga suspek sa mga pangalang Jean, Danny Chua at Alexander Dizon at inalok siya ng mga processed meat na paninda sa halagang P2,000. Subalit kapag ginawa niya umanong P8,000 ay bibigyan pa siya ng chest freezer dahilan upang maengganyo ang biktima.

Gayunman, matapos makapagbigay ng nasabing halaga ay hindi na makontak ang mga suspek na nagsabing kukunin lamang ang chest freezer sa kanilang closed van.

Huli na para matauhan ang biktima na nabiktima siya ng budol-budol dahil sa mga matatamis na salita mula sa mga kausap.