Hinuli ang mahigit 200 manggagawa na karamihan ay mga Chinese sa isang online gambling facility na kilala sa tawag na Philippine Offshore Gaming Operator sa isang gusali sa Lapu-Lapu City, Cebu kahapon.
Nadakip ang mga suspek sa isang entrapment operation na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Central Visayas.
Ayon kay Police Lt., Col. Hector Amancia, deputy chief ng CIDG Rregion 7, sinubukan ng mga operatiba na magsugal online para mapatunayan ang iligal na transaksyon ng kompanya na nakarehistro bilang isang business process outsourcing service.
Pawang mga Chinese ang karamihan sa mga parokyano ng iligal na pasugalan.
Sampung palapag ng gusali ang inokupa para sa online gambling.
Nasabat sa ginawang pagsalakay ang daan-daang computer units, mga cellphone at modem na nakuha sa loob mismo ng opisina.
Tumanggi naming magbigay ng pahayag ang may-ari ng gusali gayundin ang mga kinatawan ng kompanya.
Nasa custody ng CIDG-7 sa Cebu City ang mga nadakip habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila.