Tinatayang 200 e-bingo station ang ipapasara ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ngayong buwan dahil sa mga paglabag.
Ayon kay Pagcor Chief Executive Andrea Domingo, dalawang stations ang ipinasara niya noong nakaraang linggo matapos makumpirma na nakakapaglaro ang mga menor de edad.
Ani Domingo, marami naman ang nasa surveillance dahil sa ginagawa itong lugar sa drug trafficking at prostitution.
Upang maiwasan ang iligal na aktibidad, sinabi ni Domingo na ang e-bingo ay dapat nasa loob lamang ng casino o hotel.
“The issuance of licenses for e-bingo and e-gaming were so lax, almost 30 percent of them were non-compliant,” ani Domingo.
Ilang daang gaming cafes ang nagsara noong nakaraang buwan matapos pag-initan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Roberto Ongpin, may-ari ng PhilWeb Corp.
Ang gaming software ng kumpanya ang siyang ginagamit ng mga nagsarang gaming cafes. Hinihikayat ngayon ng Pagcor ang offshore online gaming para mabawi ang revenue sa mga nagsarang e-bingo cafes.