200 OFW dumating sa NAIA

Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang may 200 overseas Filipino worker na napilitang umuwi dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa impormasyon ng Manila International Airport Authority (MIAA) Media affairs Division office, ang grupo ay lulan ng chartered flight ng Air Asia flight Z2-8286 mula sa Bangkok Thailand na lumapag sa NAIA Terminal 1 pasado alas -4:00 ng hapon kahapon.

Nauna rito, dumating kamakalawa ang mahigit sa 60 OFWs pero sa halip na kanilang mga kaanak ang sumalubong, ay mga tauhan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Coast Guard ang sumundo at nanguna sa pag- asiste sa mga ito sa pagsasailalim sa 14-araw na quarantine.

Inihatid ang mga OFW hanggang makasakay sa mga nakahilerang mga bus ng Philippine Coast Guard.

Binigyan ng pagkain ang mga OFW bago naman inihatid sa isang hotel sa Ermita, Maynila na magsisilbing quarantine facility ng mga ito. (Otto Osorio)