Kukuha ng mahigi­t 2,000 estero ranger ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para tumulong sa mga local government unit na tugunan ang walang tigil na pagtatapon ng mga basura sa Manila Bay.

Ibinigay ni DENR Secretary Roy Cimat­u ang kanyang go signal sa pagkuha ng mga estero ranger sa isang pagpupulong kamakailan kasama ang mga senior official ng kagawaran na itinalaga niya bilang mga ‘river commander’ na siyang mamamahala sa mga gawain para sa rehabi­litasyon ng Manila Bay.

Ayon kay Cimatu, tig-dalawang estero ranger ang itatalaga sa 711 barangay kung saan may mga eskinita na malapit sa mga estero na hindi nararating ng mga trak ng basura.

Aniya, ang mga naturang eskinita ay karaniwang tinitirhan ng mga informal family settler.

Nabatid na bawat estero ranger ay tatanggap ng buwanang sahod na P8,500 batay sa five-day work week schedule. Tungkulin ng mga ito na magtanggal ng basura mula sa mga estero na may nakalagay na trash trap at maghakot ng basura mula sa bawat bahay sa ilang eskinita.

Dadalhin naman ang nakolektang mga basura sa pick-up point na dinadaanan ng mga dump truck.

Pormal na itatalaga ang mga estero range­r sa Nobyembre 15 na gaganapin sa punong tanggapan ng DENR sa Quezon City.