Masayang sinalubong ng mga Pinoy ang Pasko noong nakalipas na linggo subalit pagkatapos ng saya ay napalitan ng matinding pagkadismaya dahil puro kalat at basura ang iniwan sa mga pasyalan at mga kalsada.

Partikular dito ang Luneta Park na pambansang pasyalan ng mga Pilipino kung saan dinagsa ng mga tao para mamasyal at mag-picnic simula hatinggabi hanggang sa buong Araw ng Pasko.

Pero muling ipinakita ng mga Pinoy ang kawalan ng di­siplina dahil matapos magselebra ng Pasko ay nagmistulang mala­king basurahan ang Luneta Park dahil sa iniwanang kalat gaya ng mga plastik na bote, plastic cup, mga balot ng pinagkainan, mga tirang pagkain sa plastik at maging gamit na diaper!

Ilang tonelada ng basura ang hinakot ng mga street sweeper ng Manila City Hall pati na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa maghapong pagwawalis at paglilinis ng mga iniwang kalat bago nagmukha sa da­ting anyo ang Luneta.

Nakakahiya kung tutuusin dahil maraming dayuhang turista at maging lokal na mga bisita ang nakakita sa bakas ng iniwang pagsasaya ng mga Filipino.

Sabi ng isang miron, kaya hindi umuunlad ang Pilipinas dahil walang disiplina ang mga Pinoy kahit sa simpleng bagay. Masakit pakinggan pero ito ang katotohanan, at lalong mas masakit dahil na­dadamay ang mga hindi naman gumagawa nito.

Huwag ng hintayin pang pati Luneta Park ay magkaroon na ng entrance fee para hindi lang masalaula ng mga walang disiplinang Pinoy.

Simulan na ang pagbabago bago magpalit ang taon dahil hindi naman siguro mabigat sa katawan kung pulutin at ilagay sa baon na plastic bag ang kalat.

Libre ang pamamas­yal sa Luneta kaya dapat ay ipagpasalamat sa lokal na pamahalaan ang maayos at malinis na pagmantini sa pasyalan sa halip na salaulain ng mga balasubas.

Kung nagagawa sa ibang pasyalan na iwanang malinis ang pali­gid gaya sa Quezon City, at ilan pang lungsod sa Metro Manila, dapat ganito rin ang gawin ng mga Pinoy sa national park ng bansa.

Ilang araw na lang, Bagong Taon na naman at tiyak dadagsain na naman ang Luneta Park ng maraming tao para sa pagsalubong sa New Year.

Pakiusap lang, magdala ng lagayan ng mga kalat at iuwi sa bahay pagkatapos mamasyal. Please lang magbago na tayo! Simulan, huwag mamaya o bukas, ngayon na!

***

Tapos na ang holiday season pero marami pa ring mga manggagawa ang hindi nakatanggap ng kanilang 13th month pay. Karamihan mga guwardiya na dinudugas ng kanilang security agency o kaya naman ay mga restaurant ng mga dayuhan na makunat pa sa inu­yat ang kanilang mga amo. Hoy, makonsensiya kayo! Alalahanin ninyo may KARMA. Mas matindi ang balik nito dahil baka pati mahal ninyo sa buhay ay madamay dahil sa kalokohan ninyo.