Cignal HD Spikers pipiga kay Hardy
Sa paglipat ni national team pool member at Filipino-Hawaiian setter Alohi Robins-Hardy, asahan na gaganda pa ang distribution ng opensa ng Cignal HD Spikers para sa 7th Philippine SuperLiga 2019 All-Filipino Conference simulan sa Hunyo 15.
Nitong mga nagdaang linggo, binalita ng koponan ang paglipat ng 6-foot-1 setter sa kampo mula sa United Volleyball Club.
Pumang-apat lang ang HD Spikers matapos matalo sa bronze medal match sa nakaraang conference.
Asahang mapapalakas ni Robins-Hardy ang opensa ng Cignal na pangungunahan nina superstars Rachel Anne Daquis at Mylene Paat para sa ikapitong edisyon ng all-Pinoy midseason conference.
Nagkaroon din ng open tryouts ang koponan nitong Mayo 21 na ginanap sa Ortigas, Pasig.
Kaabang-abang din si UAAP Season 81 First Best Middle Blocker Roselyn Doria na babantay sa mga malalakas na palo ng mga makakalaban.
Tunay na dapat abangan ngayong conference ang Cignal HD Spikers na magpapahirap sa walo pang koponan ng liga. (Janiel Abby Toralba)