2020 budget bubusisiin ni Digong

Binubusisi na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2020 national budget na nagkakahalaga ng P4.1 tril­yon bago ito pirmahan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Pa­nelo na iisa-isahin ng Pre­sidente ang probisyon ng pambansang budget para tiyaking walang naisingit na hindi maipaliwanag na pondo.

Kilala aniya ang Presidente na mahigpit sa usapin ng pera kaya kapag nakitang may mga nakasingit na pork barrel fund ay titak na ibe-veto nita ito.

“Pinag-aaralan niya pa. He will go through that. ‘Di ba gano’n si Presidente, mabusisi bago pumirma. Lets wait. Basta pag unconstitutional he will veto. Pag hindi, tuloy,” ani Panelo.

Posible aniyang sa u­nang linggo ng Enero na gagawin ni Pangulong Duterte ang paglagda sa 2020 national budget dahil wala ng pasok sa susunod na linggo.

Sinabi ni Panelo na hindi palalampasin ng Pre­sidente ang mga inaakalang labag sa batas na nakapaloob sa 2020 national budget, gaya ng ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson na mga nakasingit na pork barrel funds.

“This President is a lawyer he knows what is unconstitutional or not, so he decides for himself kung tama ba ang sinasabi ng isang tao o hindi,” dagdag pa ni Panelo.

Naniniwala rin si Davao City Rep. Isidro Ungab na bibigyan ng sapat na oras ng Pangulo para busisiin ang national budget.

“The ball is now in their hands. I have very high regard to DBM (Department of Budget and Ma­nagement) Secretary Wendell Avisado and President Duterte, whom I have worked with before,”aniya.

“I’m sure they will study the budget and decide for what is best for the country and the people. What is important is we will have the budget operative by next year,” sabi pa ng mambabatas. (Aileen Taliping/Lorraine Gamo)