2020 budget sagana sa ‘pork’ — Lacson

Nanindigan si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na ang ilang item sa panukalang P4.1 trilyong national budget para sa 2020 ay kaduda-duda dahil sa hindi mas­yadong malinaw at ikokonsidera pa ring ‘pork’.

Sa kanyang pagreb­yu sa bicam version ng 2020 budget bill, nakitaan doon na may ilang item na walang malinaw na alokasyon tulad na lamang ng P50 milyon asphalt overlay project ng isang buong lungsod subalit natukoy naman ang eksaktong lugar sa pinaggamitan nito.

“Anong kaibahan ng P50M na asphalt overlay sa isang buong siyudad na hindi natin alam kung saan doon, sa post-enactment identification na sa ruling ng Supreme Court e pork barrel at unconstitutional? Pareho rin,” pahayag ni Lacson sa pa­nayam sa dzBB kahapon.

“Kasi post-enactment identification din ang proyekto, although nakasaad na asphalt overlay sa isang siyudad sa Pilipinas, pero hindi natin alam kung saan ia-identify ng kongresista ang i-o-overlay. Ala­ngan ba namang buong city ang asphalt overlay mo. Hindi kakasya ang P50M,” dagdag nito.
Ani Lacson, kapag na-enact na umano ang budget measure at hindi matutukoy ang mga proyekto ay maliwanag na umano itong ‘pork’.

“Oo ‘pork’ kasi ‘pag napirmahan ng Pangulo ito, post-legislation na ‘yan. Pero hindi pa identified ang project. Parang niliitan mo lang nang kaunti pero pareho pa rin kasi ia-identify pa lang ang i-asphalt overlay mo pagkatapos na mapirmahan ang budget,” sabi ni Lacson.
“Meron pang repair, reconstruction o rehabilitation, nakalagay doon isang buong ba­yan,” wika pa nito.

Inihalimbawa pa nito ang P25 milyon na alokasyon para sa pagsasaayos ng kalsada sa Nasugbu, Batangas su­balit hindi pa na-identify ng kongresita.
“Ia-identify pa lang ng kongresista saan sa Nasugbu ang ipapa-repair na kalsada. E ‘di post-enactment din ang identification. ‘Yan ang sinasabi ko. Huwag tayo maging masyadong li­teral,” ani Lacson. (Dindo Matining)