Sinorpresa ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ang 206 street cleaning volunteer ng lungsod at ginawa nang mga project-based employee ng City Environmental Management Office (CEMO).
Ayon kay Teodoro, hindi na allowance ang kanilang makukuha, kundi regular na empleyado na sila ng city hall.
“We really worked it out para magkaroon ng budget for their employment, so that they can earn money, and not only allowance,” paliwanag ng alkalde.
Dagdag pa nito, “If before, 4 hours lang volunteer work, gagawin na nating regular eight hours duty para masahuran na sila ng minimum wage. Before kasi, around P4,000 allowance lang talaga ang binibigay kada buwan. Talagang for pamasahe at meryenda lang, kaya naman talagang sinikap namin na ma-hire sila.”
Ito ay naganap matapos pulungin ng alkalde kahapon ang may 31 volunteer at agarang pinapirma ng kontrata para maging CEMO employee bilang sila ang responsable sa kalinisan ng lungsod.
Nagulat ang mga dumating na volunteer sa binalita sa kanila ni Teodoro at natuwang makatatanggap na sila ng suweldo at hindi allowance.
Nabatid na mula pa 2005 o nasa 14 taon nang nagtatrabaho bilang volunteer ang mga ito na naglalaan ng apat na oras na community work sa araw-araw at nakatatanggap ng P150 allowance.
“Mahalaga ang work attitude, nag-orientation tayo dati, sabi n’yo ay ginagawa natin ito hindi dahil sa allowance, kundi dahil may kaligayahan na nararamdaman,” ayon pa dito.
“Malasakit at mahalin ang lugar natin at maging maayos, iyon ang kaligayahan natin. Dapat ang puso at katauhan n’yo ay volunteer pa rin hindi dapat mabago, iyon ang gusto kong pangako n’yo sa akin,” paalala ng alkalde.
Bago nito ay bibigyan ng skill test ang mga volunteer kung saan kailangan nilang sumulat ng sanaysay kung paano sila makatutulong sa at bakit nila mahal ang Marikina.
“Bagong panuntunan in hiring employees is to test their skills. They will undergo a skills test. Maliban doon ‘yung [kung] may pagmamahal [ba sa lungsod]. Kailangan nilang magsulat ng letter na kung saan ilalagay nila kung bakit mahal nila ang Marikina at kung paano nila ito matutulungan,” ayon sa alkalde.
“Saan ba kilala ang Marikina? Sa kalinisan tayo nakilala, at iyan ay dahil sa inyong street cleaning volunteers na walang pagod na naglilinis. Nakilala tayo sa buong bansa dahil sa inyo. Hindi sa mayor, hindi akin ‘yun–sa inyo ‘yun, sa bawat isa sa inyo.”
Ang Marikina CEMO employee ay kasama sa nominasyon para sa Dangal ng Bayan Award, isang mataas na presidential award na binibigay sa mga government employee. (Vick Aquino)