Sumirit pa ang bilang ng preso sa Cebu City Jail na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) at umabot na sa 207 matapos 63 na mga person deprived of liberty (PDL) ang nadagdag sa kumpirmadong kaso, ayon kay Mayor Edgardo Labella.

Sa Facebook post ng alkalde, kinumpirma nito ang pagtaas ng kumpirmadong COVID-19 case sa kulungan.

Ito’y delikado para sa pasilidad lalo’t nasa 6,000 ang inmate sa nasabing piitan. Ayon kay Labella, nasa 345 ang kinolektang sample para ma-test sa city jail.

Una rito, inutos na ng Bureau of Jail Management and Penology ang isolation sa mga infected na indibwal. Nagsasagawa na rin contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga pasyente.

Sa kabuuan, may 411 kaso na ng COVID-19 sa lungsod, pinakamataas umanong bilang sa Central Visayas.

Tumaas umano ang bilang ng kaso sa lungsod dahil sa ginagawang mass testing. Karamihan sa mga nagpositibo ay mga asymptomatic o hindi umano nagpapakita ng sintomas.

Una nang hinayag ng alkalde ang pagpapalawig sa enhanced community quarantine (ECQ) hanggang May 15 dahil sa rekomendasyon ng mga awtoridad.

Gayunman, kung magiging mabuti umano ang kondisyon ng at ebalwasyonsa lugar ay maaari umanong alisin ang ECQ.