Inamin ni National Anti-Poverty Commission (NPAC) Secretary Liza Maza na tiyak na masasaktan ang pinakamahihirap na mga Pilipino sa itinutulak na Comprehensive Tax Reform program.
Sinabi ni Maza na batay sa kanyang pag-aaral ay matinding aaray ang mga mahihirap sa bansa kahit pa sabihin na layon ng bagong tax reform ay mabawasan ang withholding tax o marami ang malilibre sa pagbabayad nito.
“Alam naman natin na marami sa mahihirap – o below the poverty threshold – which is about 21 million, ay hindi po nagbabayad ng tax kasi ang income nila is below P9,000,” paliwanag ni Maza.
Sa ilalim ng unang package ng comprehensive tax reform program, pabababain nito ang personal income tax rate pero magkakaroon ng pagtataas sa excise tax sa petroleum products at automobiles, pagpapalawak pa ng value-added tax base, at pagbubuwis sa sugar sweetened beverages para mabawi ang posibleng revenue losses.
“`Yung 21 million (mahihirap) na ‘yun, directly, tataas ang kanilang pasanin sa araw-araw dahil tataas ang presyo ng kanilang mga bilihin lalong-lalo na ‘yung sa tax sa gasolina,” ani Maza.
Sa ilalim din ng first package ng tax reform, magbibigay ng mga subsidiya ang gobyerno para maibsan ang epekto nito tulad pagdagdag ng mga magiging benepisaryo ng conditional cash transfer program na mula sa kasalukuyang 4 milyon ay gagawing 10 milyon ang makikinabang sa P200 kada buwang subsidiya.
“Papano na ‘yung other 10 million?” tanong ni Maza.
“As part of our policy initiative, we don’t believe in dole outs as response to poverty alleviation,” dagdag pa nito.