Dalawampu’t dalawang establisimyento sa El Nido, Palawan ang ipinasara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa iba’t ibang kaso ng paglabag.

Inihayag ito ni DENR Secretary Roy Cimatu kasabay ng pansamantalang pagpapasara sa El Nido para isailalim ito sa rehabilitasyon katulad ng ginawa sa isla ng Boracay.

Ayon kay Cimatu, ipinasara ang mga nasabing establisimyento dahil na rin sa mga paglabag sa environmental laws.

Sinabi naman ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na overcrowding sa El Nido ang kanilang tututukan lalo at kapansin-pansin aniya na napakaraming mga kayak at bangka sa baybayin nito na nagreresulta sa polusyon.

Sa ngayon aniya, wala pang timeline sa gagawing rehabilitasyon ng El Nido pero nakatakda silang gumawa ng katulad na pag-aaral sa Boracay kung saan kasama sa aalamin ay kung ilan lamang ang dapat na maging “carrying capa­city” nito sa mga tu­rista.