Pinalagan ng 22 senior citizen mula sa Maynila ang hindi nila pagkakatanggap ng gatas at P1,500 pensiyon.

Ipinarating ng grupo mula sa Barangay 420, Zone 43 District 4 kay Manila Mayor Francisco `Isko Moreno’ Domagoso na hindi sila nabigyan ng nabanggit na ayuda kahit na sila ay mga residente ng Sampaloc.

Sa kanilang liham kay Moreno, ilang beses na umano nilang tinanong sa Barangay ang tungkol sa gatas na ayuda at sa P1500 pero ang sinasabi sa kanila ay hindi pa dumarating at maghintay-hintay muna.

Gusto umanong malaman ng mga senior citizen kung mayroon pa ba silang hinihintay na ayuda mula sa tanggapan ng alkalde.

Kabilang sa 22 senior citizen na lumiham kay Moreno sina Nemesis Antonio, 87; Gerardo Sayson, 61; at Milagros Pilapil, 67.

Hinala ng mga senior citizen na pinupulitika sila ng kanilang barangay chairman.

Ito umano ay taliwas sa direktiba ni Moreno na ipamahagi sa lahat ang ayudang nararapat sa mga residente ng Maynila partikular na sa mga senior citizen.

Una nang pinaiimbestigahan ni Moreno ang limang barangay captain sa Maynila matapos ulanin ng reklamo ang kanyang tanggapan. (Juliet de Loza-Cudia)