Personal na binisita­ at binigyan ng tulong pinansyal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalong nasugatan sa engkuwentro sa pagitan ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Sulu.

Dumating ang Pangulo sa Camp Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo at nakipag-usap sa 13 sugatang sundalo. Naki­pagkita rin ito sa pamilya ng mga sundalong namatayan at nasugatan sa na­sabi ring engkuwentro.

Binigyan ng Pangulo ang mga nasugatan ng tig-P100,000 special financial assistance (SFA), karagdagang tig-P10,000 cash sa 13 sugatang sundalo.

Ang pamilya ng mga namatay sa sagupaan ay binigyan ng P250,000 SFA at tig-P20,000 cash.

May karagdagang tulong pinansyal na tinanggap ang mga sugatan at kaanak ng mga napatay mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na Pangulo rin ang nag-abot.

Kabilang sa mga sundalong sugatan at nakaratay sa nasabing ospital ay kinilalang sina 2nd Lt. John Paul Bacsain, SSgt. Abdunnur Said, Cpl. Arasad Kahil, Sgt. Ramon Medel, Cpl. Julius Montealto, Cpl. Jeffrey Barino, Cpl. Saldi Sabdani, Cpl. Luisito Bago, Pfc. Alizon Ayo­man, SSgt. Aasam Abdulmajid, Sgt. Danny Sakiri, Pfc. Jurich Givero, at Pfc. Muhaliddin Mariga.

Kinilala naman ang mga napaslang na sina Sgt. Sikal Akjam, Sgt. Abrojer Sakili, at Pvt. Joel Decierdo, Cpl. Ronnie Navarro.

Matapos ang pagbisita sa Jolo ay lumipad din ang Pangulo sa Zamboanga at dinalaw ang siyam na sugatang sundalo sa Camp Don Basilio Navarro General Hospital sa Western Mindanao Command Headquarters na napasabak sa engkwentro sa Sulu.

25 Responses