Magtutulung-tulong ang 23 mga tanggapan at ahensya ng gobyeno sa pagsasakatuparan ng ‘Task Force Bangon Marawi.’
Ito ang kinumpirma ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na magiging katuwang ng ‘Task Force Bangon Marawi’ na inilunsad kahapon sa Pasay City.
Ang 23 tanggapan at ahensya ayon pa kay Andanar ay hinati sa 5 sub-committees na binubuo ng komite na responsable sa reconstruction, housing, health at social welfare; business and livelihood; peace and order at ang support group ng finance at resource mobilization gayundin ang strategic communications at information management.
Kabilang sa mga tanggapan ng gobyerno na magiging bahagi ng Task Force ay ang Department of National Defense (DND), Department of Public Works and Highways (DPWH), Office of the Cabinet Secretary, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Interior and Local Government (DILG) at PCOO.
Inilunsad kahapon ang ‘Task Force Bangon Marawi’ na sinabayan ng isang forum na dinaluhan ng mga kinatawan ng mga concerned government agencies, mga stakeholders, mga Muslim at iba pa na ginanap sa Conrad Hotel sa Pasay.
Binigyang-diin ni Andanar na layon ng forum na maipakita at mabigyan ng regular na update ang publiko hinggil sa pagsisikap ng gobyerno para sa recovery, rehabilitasyon at reconstruction ng Marawi City na naging kalunus-lunos dahil sa pagsalakay ng Maute-ISIS terror group.