Isinugod sa ospital ang 23 katao matapos magtamo ng mga sugat nang salpukin ng isang pampasaherong van ang nakaparadang truck sa highway ng Barangay Manicahan sa Zamboanga City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Zamboanga City Police Station 3, pumarada ang truck na minamaneho ng isang Armando Adestano sa lugar na kumakarga ng mga baboy na nagmula sa Zamboanga Sibugay.
Nagmula naman sa sentro ng Zamboanga City ang nasabing van, na may lulang 18 pasahero na pauwi sa Barangay Bolong ng lungsod.
Hindi napansin ng driver ng van ang nakaparadang sasakyan dahil sa makapal na usok na ibinubuga ng truck kaya sumalpok ito sa harapan.
Parehong wasak ang harapang bahagi ng dalawang sasakyan na naka-impound ngayon sa nabanggit na police station.