Nagpaulan ng 3-poin­ters ang Toronto Raptors para palamigin ang Miami Heat 125-104 nitong Linggo.
Pinantayan ng Raptors ang franchise record na 21 3-pointers. Pareho lang ng nailistang field goals ang magkatunggali – 42. Mas marami pa ng pito ang turnovers ng Toronto.
Pero sa labas ng arc nagkatalo.
Hindi kinayang ahunan ng Miami ang 63-24 edge sa 3-point scoring ng Toronto.
Sa isang play, mag-isa si Kyle Lowry sa sulok, sa harap ng Miami bench sa kaagahan ng fourth. Solo niya ang spot, wala man lang defender ang Heat na nasa tabi. Resulta ay ang libreng-libreng 3 niya.
“The shooting gods were with us today,” pahayag ni Toronto coach Nick Nurse. “No doubt about that.”
Tumapos si Lowry ng 24 points, kalahati ng kanyang 10 assists ay nag-set up ng 3s para sa mga kakampi. Naging pang-19 na team ang Toronto ngayong season na naglista o pumantay sa franchise record ng 3s sa isang laro.
“Good weather. The body was warm. It definitely helps,” wika ni Lowry.
Nagsumite si Danny Green ng 15 points, lahat mula 3-pointers. May 15 din si Norman Powell, tig-11 sina OG Anunoby at Jeremy Lin sa Raptors na 21 for 40 mula downtown, 21 of 34 sa loob ng arc. 2005 nang unang maglista ang Raptors ng 21 3s laban sa Philadelphia.
Ipinahinga ng Raptors si Kawhi Leonard.
Walang nablangka ang Heat sa 74 shot attempts ng Toronto. Umabot na sa 145 games ang nakalipas nang huling maglista ng zero-block ang Miami noong Nov. 1, 2017 kontra Chicago.