Umabot na sa dalawamput-apat na drug pusher na karamihan ay kabilang sa drug watchlist ang napatay ng Bulacan-PNP sa kanilang police operation ngayon lamang buwan ng Setyembre at inaasahang tataas pa bunga nang lalo pang pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa droga.
Base sa impormasyong nakalap sa tanggapan ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO)- Malolos City, lahat ng mga napapatay nila ay kumakasa sa dragnet at buy-bust operation.
Pinatindi din ang inilatag na Oplan Tokhang sa malaking porsiyento ng 569 na barangay sa Norzagaray, Paombong, Balagtas, Sta. Maria, Marilao at Plaridel.
Patuloy namang nagbabala si P/Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr., Acting Bulacan police director, sa mga big-time drug pusher na hindi titigil ang pulisya hanggat hindi tuluyang mareresolba ang suliranin sa droga sa Bulacan.