24 testing booth ng SMC areglado na sa NCR

Sinimulan nang ideliber ng San Miguel Corporation (SMC) ang mga donasyon nilang COVID-19 testing booth sa mga pamahalaang lokal sa National Capital Region (NCR).

Ito’y bilang pagtupad ng SMC sa pangako nitong tutulungan ang 17 local government unit sa Metro Manila para mapalakas ang kanilang testing capacity sa coronavirus.

Mayroon nang 24 testing booth ang hinatid ng SMC kina Mandaluyong Mayor Carmelita Abalos, Pasig City Mayor Vico Sotto, at Manila Mayor Isko Moreno.

Susunod na rin dadalhan ng mga testing booth ang mga LGU ng Quezon City, Caloocan, Malabon, Las Piñas, Parañaque, Muntinlupa, Makati, Navotas, San Juan, Taguig, Marikina, Valenzuela, Pasay, at Pateros.

Bibigyan din ng SMC ang 17 LGU ng tig-P3 milyong halaga ng mga PCR test kit o katumbas ng 34,000 test.

Bukod sa mga LGU sa Metro Manila, magbibigay din ang SMC ng karagdagan pang tatlong set ng RT-PCR testing machine at automated RNA machine sa ilang ospital ng gobyerno.

“We are fully committed to helping all our Metro Manila LGUs increase their Covid-19 testing capabilities, in support of the national government’s expanded testing goals,” ayon kay SMC president Ramon S. Ang.

Aniya, umaasa sila na mapapalakas na ang testing capacity partikular sa mga mahihirap na pamayanan kung saan madaling kapitan ng sakit ang mga maralitang pamiya dahil sa kalagayan ng kanilang pamumuhay.

Binigyang-diin ni Ang na mahalaga ang pagpapalawak ng COVID testing at para magawa ito ay kinakailangang isagawa ng libre sa mga mahihirap na pamilya.

“We need to be able to find a way to make testing accessible to all. Everyone should have equal access, not just those who have the means,” pahayag pa ni Ang.

Hiniling din nito na isailalim sa regulasyon ang presyo ng mga testing kit para maging abot kaya ito sa mga Pilipino at maliliit na kompanya na kailangang i-test ang kanilang mga manggagawa bago magbalik sa trabaho.