Umabot sa 240 construction workers na inabandona sa mga construction sites sa Ortigas, Pasig City ng kanilang employer na Cecon Corp. ang agad nahatiran ng tulong ng ACT-CIS partylist.
Nasa 104 construction workers ang natulungan sa inabandonang construction sites sa Exchange Square Project sa tabi ng Tektite building, Exchange Road, Ortigas Pasig habang nasa 136 ding abandonadong manggagawa sa One Filinvest, malapit sa Robinsons Galleria na proyekto rin ng Cecon ang naabutan ng tulong sa pangunguna ni Cong. Nina Taduran.
Kasabay nito ay nanawagan ang ACT-CIS sa Department of Labor and Employment (DOLE) paraimbestigahan at maparusahan ang Cecon Corp. sa paglabag sa minimum wage law at pag-abandona sa mga manggagawa sa kanilang construction sites sa gitna ng ipinapatupad na Luzon-wide lockdown dahil sa pagkalat ng COVID-19.
Personal na pinuntahan ni Cong Nina Taduran ang construction sites sa Exchange Square project para alamin ang sitwasyon ng mga construction worker matapos mag-viral ang mga inabandonang manggagawa sa social media na nanghihingi ng bigas at pang ulam.
Nagbabala naman si Cong Eric Yap ng ACT -CIS na hindi nila palalampasin ang paglapastangan ng mga employer sa kanilang manggagawa lalo na ngayong panahon ng COVID-19. “Dapat may managot dito at dapat mabigyan ng hustisya ang mga manggagawa,” ani Yap.
Ayon kay Junrel dela Cruz, ang tagapagsalita ng mga manggagawa, sumasahod lamang sa P375 kada araw ang ordinaryong laborer, habang ang karpintero ay kimukita lamang ng P475 kada araw na hindi tugma sa pinaiiral na below minimum wage sa Metro Manila.