Nagsisimula na ang konstruksyon ng Metro Rail Transit (MRT) 7 sa kahabaan ng Commonwealth Ave­nue sa Quezon City kaya tumintindi na ang problema sa trapiko sa pinakamalawak na kalsada ngayon sa Metro Manila.

May tig-8 lane ang Commonwealth Avenue sa magkabilang panig pero dahil napupuno na ang mga tao ang Northern Metro Manila hanggang sa Bulacan eh madalas na nagkakatrapik na rin sa kalsadang ito.

Nitong hindi pa nagagawa o nasisimulan ang proyekto, dusa na sa Commonwealth Avenue paglagpas mo ng Litex Road dahil imbudo na ang papasukan lalo na kapag rush hours.

Mula kasi sa 8 lane ay bigla kang papasok sa 4 lane na lang papasok sa Fairview area kaya siksikan ang mga tao kaya dusa mula sa Litex hanggang sa marating mo ang isang malaking mall. ‘Yung diretso sa Bulacan, pagdating mo ng Malaria Caloocan City, magdudusa ka rin dahil sa mga illegal vendors, papasok man o palabas.

Makikitid ang mga kalsada diyan papasok sa San Jose del Monte at dito dadaaan ang MRT 7 kaya isipin­ niyo na lang kung gaano kalaki ang problema ng mga susunod na mga buwan at taon.

Sa unang araw ng konstruksyon ng MRT7 ay nakaranas na ang mga motorista ng matinding problema sa trapiko at inaasahan na magtatagal ito ng dalawang taon hanggang matapos ang proyekto.

Ang atin lang, sana 24/6 ang trabaho sa lahat ng mga government projects, o 24 oras mula Lunes hanggang Sabado para ang Linggo ay ipahinga ng mga cons­truction workers at nang makapagsimba rin sila lalo na kung sila ay Katoliko.

Karaniwan kasing nakikita natin na maraming government projects ng halos walang taong nagtatrabaho at malaking bahagi ng kalsada ang kanilang binabakuran para sa kanilang mga materyales at makina.

Siguro mapapabilis ang trabaho kung 24 oras ang paggawa ng proyekto o tatlong shift na tig-8 oras. Pansinin niyo o bilangin niyo kung ilang manggagawa­ ang nasa construction site kada araw hindi ba kokonti lang at mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko lang ng hapon ang trabaho nila.

Sa mga nababasa at napapanood natin sa mga ­foreign channels, mapapabilib ka sa ginagawa sa ibang bansa na walang tigil ang trabaho sa loob ng 24 oras kaya ang bilis nilang nagagawa ang isang proyekto.

Naipapakita rin nila kung papaanong hindi sila makaistorbo sa mga motorista habang ginagawa nila ang kanilang proyekto pero sa atin, hangga’t hindi ­natatapos ang proyekto magdudusa ka.

Hindi porke third world country tayo ay kasing bagal na rin dapat ang kilos ng gobyerno sa paggawa ng proyekto at hindi porke sabihin ng kontratista na dalawa­ o tatlong taon ‘yan eh kailangang magdusa­ ang mga tao ng tatlong taon din.

Tingnan mo ‘yang flyover diyan sa airport patungon­g entertainment city, ang tagal magawa hanggang ngayon dusa ang mga mamamayan, hindi lang ang mga motorista kundi lahat, kasama na ang mga pasahero.

Kailangan siguro isama sa kontrata na tiyakin ng kontratista na hindi siya makakaapekto sa trapiko at kung hindi niya ito magawa, ay patawan siya ng ­multa. Wala yatang ganitong patakaran kaya walang pakialam­ ang mga kontratista kung apektado ang mamamayan na nagbabayad sa kanilang proyekto.­ (dpa_btaguinod@yahoo.com)