Inaasahan nang ipatutupad ang magdamagan o 24/7 checkpoint sa mga lansangan sa Metro Manila at sa iba pang lugar sa bansa.

Ito ay makaraang mahigpit na iutos ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa na mas lalo pang palakasin at gawin nang 24 oras ang checkpoint kasunod ng malagim na pagsabog sa Davao City.

Kasabay nito, umapela naman si National Capital Region Office (NCRPO) Director Chief Supt. Oscar Albayalde sa publiko na huwag matakot sa ipinatutupad na checkpoint dahil bahagi lamang ito ng pagtiyak sa kaligtasan ng mamamayan.

Ito ay hakbang bilang bahagi ng pagliligtas sa publiko laban sa mga pagtatangka ng mga bandido na posibleng maghasik ng terorismo Maynila.

Dito pinaalalahanan ni Albayalde ang publiko na iwasang magpanik, ma­ging magalang at ihanda ang mga lisensya at re­histro ng mga gamit na sasakyan kapag dumadaan sa checkpoint.

Gayundin ay pinayuhan ng NCRPO chief na ‘wag mag-atubiling isumbong ang mga pulis na naging abusado sa pagsasagawa ng checkpoint.

Samantala, sasampahan na ng kaso ang suspek na responsable sa pagpapasabog sa Roxas Avenue Night Market sa Davao City noong Setyembre 2.

Ayon kay Dela Rosa, sa ngayon ay kilala na ang suspek pero hindi ito papangalanan hangga’t hindi pa pormal na naisasampa ang kaso.

“Kapag naisampa na ang kaso kikilalanin na ang suspek na ito. May reports tayo na confirmed na may kaugnayan ito sa ISIS,” wika ni Dela Rosa.

Sa patuloy na pagsisiyasat ng pulisya, apat na person of interest ang kanila nang tinutugaygayan base sa pahayag ng mga lumitaw na saksi.