24M Pinoy jobless sa COVID

Aabot sa 24 milyon ang Pilipinong nawalan at mawawalan ng trabaho dahil sa mga lockdown na isinagawa ng gobyerno para awatin ang pagkalat ng COVID-19 at nang dahan- dahang pagbubukas muli ng ekonomiya.

Ayon kay IBON Foundation executive director Sonny Africa, 4.7 milyong Pilipino ang walang trabaho noong 2019 at dadagdag ang 18.9 milyong nawalan o mawawalan pa ng trabaho dahil sa hindi sila pinayagang maghanapbuhay tulad ng mga jeepney at bus drayber pati na ang mga namamasada ng pedicab at tricycle, pati na mga construction worker at mga nagtratrabaho sa mga hotel at restaurant.

Halos dalawang buwan nang naka- lockdown ang malaking bahagi ng bansa sa enhanced community quarantine (ECQ) at hindi pinapayagang makalabas ng bahay ang mga tao kaya’t madami ang nawalan ng kabuhayan at bumaba rin ang benta ng mga negosyo.

Paliwanag ni Africa na hindi rin makapasok sa trabaho sa planta ang mga tao kaya’t bumaba rin ang produksyon at hindi ito lahat babalik agad sa dati sakaling tanggalin na ang ECQ.

Ayon kay Africa, sa pagtaya ng National Economic and Development Authority (NEDA) ay nasa 116,000 ang nawalan ng trabaho noong 2019 at aabot sa 4.8 hanggang 6.5 milyon ang mawawalan ng trabaho ngayong taon samantalang ayon sa datos ng Asian Development Bank (ADB) ay nasa 360,000 ang nawalan ng trabaho noong 2019 at aabot sa 5.1 milyon hanggang 7.3 milyon ang jobless ngayong taon dahil sa COVID- 19.

Aniya, dapat bigyan ng ayuda ang mga tao na sapat para sa tatlong buwan at may pera naman umano ang administrasyong Duterte kung irerepaso nito ang mga gastusin ng gobyerno.

Halimbawa, sa halip na ibuhos ang pera sa Build Build Build project na nasa P989B ang budget pati na ang confidential at intelligence funds nito na umaabot sa P9.6 bilyon ay gamitin na ito sa pagsuporta sa mga mamamayan na naapektuhan ng health crisis.

Mungkahi ni Africa, magdeklara ng moratorium sa pagbabayad ng utang ng pamahalaan ngayong taon na sinusulong na rin ng ibang mga bansa at i-restructure na lang ito sa 2021.

Sa tingin ng IBON, hindi pa maiibsan agad ang mga problemang dala ng COVID-19 at mararamdaman pa rin ito sa mga darating na dalawa pang taon dahil hindi naman agad makabababangon ang mga negosyo sa dagok na dala nito.

Ayon sa IBON, 4.4 milyon na mga vendor at shopkeeper ang nawalan ng trabaho, 2.8 milyon sa mga construction worker , 2.5 milyon sa mga magsasaka at mangingisda, 1.8 milyong bus at jeepney drayber pati na tricycle at pedicab drayber, 1.5 milyon ang mawawalang trabaho sa manufacturing sector, at 1.5 milyon ang naging jobless sa turismo tulad ng mga hotel at restaurant. (Eileen Mencias)