Timbog sa mga ahente ng National Bureau of Investigation ang isang dating call center agent na naging hacker at tumangay ng P950,000 mula sa 25 bank account mula sa isang malaking bangko sa bansa.

Iniharap sa media ni NBI Director Dante Gie­rran ang suspek na nakilalang si Kli Ban Agarrado, tubong Iloilo.

Ayon kay NBI Spokesman Ferdinand Lavin, college drop-out umano ang suspek nang magpasya itong magtrabaho bilang call center agent at doon natutunan kung paano gumawa ng mga link na magiging daan para makapambiktima ng mga account holder sa bangko.

Ginagamit umano ng suspek sa kanyang mga ginagawang link ang logo ng Banco de Oro kung saan nakukuha niya ang password ng iba pang detalye sa bank account ng kanyang mga nabiktima dahilan para iligal siyang makapag-transfer ng pondo.

Nagagawa rin umano ng suspek na dala­wang beses na biktimahin ang kanyang mga biktima kapag nagreklamo ito sa pamamagitan ng bogus Facebook account ng banko na kanyang ginawa kung saan muli niyang nakukuha ang password at iba pang detalye sa bank account ng mga nabiktima na.

Nabatid na nagsagawa ng ilang buwan na surveillance ang mga ahente ng NBI laban sa suspek at nang makumpirma ang pagkakakilanlan nito ay saka kumuha ng warrant of arrest na nagresulta sa pagkakaaresto kay Agarrado sa tinutuluyan nitong apartment sa Vito Cruz St., Maynila.

Nakumpiska rin sa suspek ang mga digital device na ginagamit sa kanyang iligal na gawain na nagsimula noong nakalipas na taon matapos na mag-drop out sa pinapasukang unibersidad sa Iloilo.

Sinampahan na ang suspek ng mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 (computer-related fraud) at Republic Act No. 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998. (Juliet de Loza-Cudia)