Nahaharap ngayon sa kasong grave misconduct ang 25 pulis kung saan tatlo sa mga ito ay suspendido na matapos sampahan ng kaso ng lokal na pamahalaan ng Antipolo City.

Ang nasabing aksiyon ay bilang pakikiisa na rin ng lokal na pamahalaan sa Philippine National Police hinggil sa kanilang cleansing operation.

Batay sa isinumiteng datos ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) sa tanggapan ni Antipolo City Mayor Andeng Ynares, umabot sa 25 na kapulisan ang kinasuhan ng grave misconduct simula pa noong 2016 kung saan suspendido na ang tatlo sa mga ito na napatunayang nagkasala.

“Kaya po kapag may nireklamo sa ating kapulisan agad po natin itong iniimbestigahan at sinususog ang katotohanan,” sambit ni Mayor Andeng.

Aniya, malaki ang naitulong ng social media sa mabilis na pagresponde ng pamahalaang lokal sa mga inire­reklamong mga alagad na batas, mga kawani ng pamahaalang lungsod at barangay. Sa tanggapan aniya ng Public Information bumabagsak ang mga reklamo at komento ng mga netizen sa pamamagitan ng Facebook at email.

“Kailangan po na­ting maghigpit sa mga ganitong kaso dahil mala­ki ang tungkulin ng ating mga kapulisan na mabigyan tayo ng proteksyon mula sa mga masasamang elemento at sila rin po ang ating inaasahan na magpapa­natili ng kapayaan at kaayusan sa ating komunidad,” dagdag pa ng lady mayor.