Umani ng suporta ang may 25,000 Angkas rider sa Kamara kasunod ng inilabas na temporary restraining order (TRO) ng Supreme Court (SC) na nagbibigay ng basbas sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para hulihin ang papasadang mga rider ng Angkas.

Kaugnay nito ay umaasa si House committee on Metro Manila development at Quezon City Rep. Winston Castelo na bibigyan ng kunsiderasyon ng SC ang kapakanan ng mga mananakay na nahihirapang mag-commute ngayong holiday season.

“We hope that the Supreme Court will realize that the issuance of the TRO that effectively prevents Angkas to operate will greatly affect the Filipino commuters, especially considering that thousands of commuters direly need the service during the holiday season,” pahayag ni Castelo.

Matatandaang noong Hunyo ngayong taon ay tinalakay sa pagdinig ng komite sa Kamara ang isyu sa mass transportation.
Naglabas ng direktiba si Castelo sa Department of Transportation (DOTr) at LTFRB na isama ang motorcycle taxi sa department order na nagbibigay ng pahintulot sa pribadong “four-wheeled” na sasakyan na magsakay ng mga pasahero at mag-operate sa ilalim ng ride-hailing apps.

Pero dinedma at hindi tumalima ang dalawang ahensiya sa direktiba ng Kamara.

Ayon naman kay Manila Rep. Cristal Bagat­sing, dahil sa inilabas na TRO ng SC ay napagkaitan ng disenteng mapagkakakitaan ang mahigit 25,000 motorcycle rider at libo-libong commuter ang tinanggalan ng alternatibong masasakyan.

Iginiit ni Bagatsing na mabilis at kumbinyenteng uri ng transportasyon ang Angkas.

Ganito rin ang punto ni Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe dahil tinanggalan aniya ng opsyon ang mga ordinaryong commuter para sa abot-kaya at maaasahang klase ng transportasyon.

Pati ang kabuhayan ng Angkas riders ay nadale umano sa inilabas na TRO ng SC.