Umaabot sa 26 vintage bomb ang nahukay sa ginagawang konstruksyon ng isang paaralan sa Brgy. Catabayungan, Isabela kamakalawa nang hapon.
Batay sa nakalap na report mula kay Senior Insp. Frances Littaua, tagapagsalita ng Isabela Police Provincial Office, nahukay ng mga construction worker sa ginagawang gusali ng Delfin Albano High School ang may 18 piraso ng hand grenade at walong piraso ng rocket propelled grenade.
Ayon kay Littaua, may nakuha ang mga trabahador ng isang malaking drum na kinakalawang at nang buksan ito ay tumambad sa kanila ang iba’t ibang uri ng pampasabog na halos hindi na makilala dahil kalawangin na.
Agad na ini-report ng mga trabahador ang natagpuang pampasabog sa Isabela Police at nasa kustodiya na ngayon ng Explosives Ordinance Division ng 5th Infantry Division ng Philippine Army ang mga vintage bomb.
Hindi naman isinasantabi ng pulisya na ginamit ang mga pampasabog noong World War 2 kung saan posibleng itinago ang mga ito.