Maagap na tinunton ng Department of Health (DOH) ang tinutuluyan ng mga Korean national na lumapag sa Cebu mula sa Daegu, South Korea noong Martes kasunod ng pagtaas ng bilang ng 2019 Coronavirus Disease o COVID-19.
Ayon sa ulat, may 26 Korean national ang dumating sa Mactan Cebu International Airport, Martes ng gabi mula sa Daegu, na sakop ng travelĀ ban ng gobyerno para mapigil ang paglaganap ng COVID-19.
Ayon kay Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, ang kanilang regional office sa Cebu ay agad na nagsagawa ng tracking sa mga dumating na Korean national. Pinuntahan na umano ang mga ito sa mga lugar kung saan sila mananatili kaya ang mga ito ay naka-quarantine.
Una nang inanunsiyo ng gobyerno na hindi nila papayagan ang mga biyahero mula sa Daegu at sa North Gyeongsang province na makapasok sa bansa nang magpositibo sa COVID-19 ang may 1,200 katao sa lugar. (Juliet de Loza-Cudia)