Upang lubusan nang maisakatuparan ng gobyerno ang hangarin nitong maiangat ang antas ng kabuhayan at pamumuhay ng may 28 milyong katutubo, mga rebel returnees at mga Pilipinong Muslim, inilunsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang National Integration Scholarship Program (NISP) sa National Capital Region, Region IV-A, Region IV-B at sa Region III kamakalawa ng umaga.
Alas-nuwebe ng umaga nang pangunahan ni TESDA Director General Guiling ‘Gene’ Mamondiong ang programa na isinagawa sa Taguig City na may temang ‘Serbisyong Ramdam at Kapaki-pakinabang’.
Dinaluhan ito ng may 800 participants na kinabibilangan ng mga rebel returnees, Indigenous Peoples (IPs) at Muslim Filipinos na mula sa Region IV-A, National Capital Region (NCR) at Region III.
Kabilang sa mga aktibidad ay ang orientation ng iba’t ibang TESDA Scholarship programs, libreng gupit at masahe, product demos, cultural presentation at ang paglalagda ng manifesto tungkol sa skill training programs para sa IPs, rebel returnees at Muslim Filipinos.
Layunin nito na mabigyan ng libreng skills training ang mga interesado at kuwalipikadong mga katutubo gayundin ang mga rebel returnee at Muslims sa iba’t ibang technical-vocational (Tec-Voc) courses ng ahensiya upang mabigyan ang mga ito ng pagkakataon na magkaroon ng sapat na kasanayan na kanilang magagamit sa paghahanap ng pagkakakitaan.
Ang programang ito ay nakapaloob sa pinagtibay na Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan nina Mamondiong at Leonor T. Oralde-Quintayo, chairperson ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) noong Pebrero 28, 2017.
Ang programa ay una nang inilunsad ni Mamondiong sa Davao, Cebu, Butuan, Pagadian City at Caraga at Baguio City.