Anim katao na kinabibilangan ng isang miyembro ng Barangay Public Safety Office(BPSO) ang naaresto ng pinagsanib na operatiba ng Quezon City Criminal Investigation Detection Group National Capital Region (CIDG–NCR); Talipapa Police Station (PS-3) at ng District Special Operations Unit (DSOU) sa Brgy. Baesa, Quezon City, sa bisa ng search warrant dahil nagtitinda umano ang mga ito ng hindi lisensyadong mga baril at mga bala.
Sa report kay QCPD Director Chief / Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, na isinumite ni CIDG-NCR Chief/Insp. Nicanor Ledesma III, nakilala ang mga naarestong suspek na si BPSO Mario Garcia, 62, William Bisnar y Bagtas, 28, at Cabarnes Bong Lapina, pawang nakatira sa Brgy. Baesa, Quezon City.
Ayon kay Eleazar dakong alas-7:30 ng umaga nang magkakasabay na ipinatupad ng mga operatiba ng CIDG-NCR at ng QCPD ang tatlong search warrants na inisyu ni QC RTC Judge Cecilyn E. Burgos ng Branch 89.
Nakuha ng mga awtoridad sa bahay ni Garcia sa Blk 7, Lot 5, Sitio Mendez, Brgy. Baesa ang nasa 286 iba’t ibang bala, katulad ng caliber .60; 83 pirasong bala ng caliber 5.56 o (M16 rifle); 27 piraso ng bala ng caliber .45; 12 piraso ng bala ng caliber 9mm; isang bala ng cal .357; tatlong pirasong bala ng caliber .22; isang bala ng caliber .45; limang piraso ng magazine ng M16 rifle; dalawang magazine pouch at isang outside holster.
Sa paghahain naman ng search warrant kay Bisnar sa bahay nito sa Sitio Pajo, Brgy. Baesa, Quezon City ay nakuha ang isang fragmentation grenade; dalawang bladed weapon; isang improvised tooter; 2 aluminum foils; 2 disposable lighters; 5 plastic sachets na may pinaghihinalaang shabu at isang tear gas.
Habang ang ikatlong search warrant sa suspek na si Lapina ay nakuhanan naman ito ng 17 piraso ng transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu; 3 bala ng caliber .45; dalawang caliber .38; apat na electronic weighing scale; at mga drug paraphernalia.
Bukod sa tatlong naaresto sa search warrants ay nahuli rin ang tatlo pang suspek na sina Mark Garcia, 34, ng Block 7, Lot 5, Sitio Mendez, Brgy. Baesa, Christopher Lagman, 38; Rommel Madula, 34; kapwa ng No. 3-B Abra St., Brgy. Bago Bantay, at si Merilou Lomoljo, 42, ng Sitio Mendez, Brgy. Baesa, na mga naabutan umano sa bahay ng suspek na si Garcia.
Ang mga suspek ay pawang nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (The Firearms and Ammunition Regulation Act) at R.A. 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).