29 bakwit nalason sa food pack

Umaabot sa 29 na evacuee ng lindol sa West Kidapawan, North Cotabato ang nabiktima ng food poisoning kamakalawa matapos na mabigyan umano ng pagkain ng mga motorista sa kalsada.

Ito ang sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Ma­nagement Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad sa isinagawang press conference kahapon sa Camp Aguinaldo.

Dahil dito, sinabi ni Jalad na dini-discourage nila ang mga motorista na magbigay ng tulong sa mga earthquake victim na nanghihingi sa kalsada.

“Hindi na-trace kung sino nagbigay. Hindi naman siguro sinasadya ng nagbigay. Kaya ini-encourage natin doon sa mga motorista na gustong tumulong na sa evacuation centers na lang so that there will be checking of quality of food or medicine,’ pahayag ni Jalad.

Base sa ulat na natanggap ng NDRRMC, mayroong 29 na biktima ng food poisoning kamakalawa sa Makilala, North Cotabato matapos na manghingi sa mga motorsitang nagdadaan na kadalasang ibinibi­gay ay pagkain.

Nagsuka umano ang mga biktima, nahilo pero sa ngayon ay ligtas na sa panganib ang mga ito saad pa ni Jalad.

Samantala, upang mapadali ang pagbibigay ng relief ope­ration sa mga apektado ng magkasunod na lindol sa Mindanao ay pinayuhan ni Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana na magtungo ang biktima sa kanilang mga designated evacuation center at barangay hall para sa pagbibigay ng ayuda.

Ang panawagan ni Lorenzana, na itinalaga ring pointman ng Malacañang para sa mga relief and rescue effort ng pamahalaan sa Mindanao bilang siya rin ang tumatayong Martial Law Administrator sa rehiyon, ay dahil sa patuloy na namo-monitor na paghingi ng ilang quake victim ng tulong sa kalsada katulad ng pamamalimos.