Isinugod sa ospital ang may 29 college students matapos mabiktima ng food poisoning nang magsampol ang produkto ng kape sa kanilang paaralan sa Cebu City.

Pawang nakaramdam ng panghihina, pananakit ng tiyan at pagsusuka ang nasabing bilang ng mga estudyante ng Concord Technical Institute sa Cebu City.

Ayon kay Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO) chief Nagiel BaƱacia, agad isinugod sa Cebu City Medical Center (CCMC) bandang alas-singko ng hapon kamakalawa ang mga biktima matapos uminom ng free sample ng isang kilalang produkto ng kape.

Nabatid na nag-free tasting ng kape ang distributor ng produkto sa nasabing paaralan kung saan ipinaalala na pawang 18-anyos pataas ang pinapayagang uminom.

Ayon sa school administrator na si Joseph Ty, hindi dapat bibigyan ng samples ang mga estudyanteng 18-taong gulang pababa, pero dahil marami ang makukulit, nagawa pa rin ng mga ito na makalusot at nakainom.

Sa mga gurong uminom, wala namang iniulat na nakaramdam ng pagsama ng katawan at tanging mga estudyante lamang na karamihan ay 18-anyos pababa ang edad ang nabiktima.

Sa ngayon ay isinasailalim na sa pagsusuri ng Department of Science and Technology (DOST) upang matukoy ang sanhi ng sinapit ng mga biktima.