Iginiit ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na may kapangyarihan ang Senado na kuwestyunin ang ilang kasunduan sa 29 nilagdaang memorandum of agreement nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping.
Ito ang nilahad ni Escudero sa isang pulong balitaan sakaling hindi maging patas ang napagkasunduang kontrata.
Ayon kay Escudero, maaaring buhatin ang usapin sa MOA na nilagdaan ng dalawang Pangulo sa plenaryo kapag isinalang muli sa senado ang budget hearing ng Department of Foreign Affairs (DFA).
“Puwedeng kuwestyunin sa taunang budget hearing. Sa budget hearing ng DFA sa darating na linggo, maaaring tanungin at tiyak ko na isa ‘yan sa mga itatanong sa executive department na haharap sa pagdinig. Maaari rin tayong humingi ng public document, maraming oportunidad,” sabi ni Escudero.
Bagama’t may kapangyarihan ang Senado na kuwestyunin ang mga nilagdaang MOA, nilinaw nito na hindi maaaring pigilan ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang napagkasunduang kontrata ng dalawang Pangulo.
Tanging korte lamang aniya ang tunay na makakapigil sa mga kasunduang transaksyon sa pagitan ng China at ng Pilipinas kung kuwestiyunable man ang ilan dito.