May 29 miyembro ng Philippine Army (PA) ang sinanay ni Manila Mayor Joseph Estrada upang magturo ng anti-drug education program na Drug Abuse Resistance Education o DARE sa mga mag-aaral sa buong bansa.

“Ito ay isang makasaysayang sandali. Sa kauna-unahang pagkataon, magiging bahagi na ng DARE ang ating mga kasundaluhan. Sila ang magsisilbing ‘forward force’ sa pagtuturo natin ng DARE sa bansa,” ayon kay Estrada sa pagtatapos ng 29 miyembro ng Philippine Army-Civil Mi­litary Operations Group (CMOG) sa Manila City Hall kamakalwa ng hapon.

Sinabi ng alkalde na bahagi ito ng kanyang adhikaing mapalawak ang implementasyon ng DARE sa mga paaralan hindi lang sa Maynila kundi sa buong Pilipinas.

Nalaman na ang mga sinanay na DARE instructors ay pagkakalooban ni Estrada ng P2,000 allowance kada buwan.

Kabilang sa 29 DARE instructors, ang 10 babaeng miyembro ng PA na idaragdag sa 14 na kasalukuyang DARE instructors na nagtuturo ng DARE lessons sa mga Grades 5 at 6 na mag-aaral sa mga paaralan sa Maynila.