29 pasahero ng RORO sa Cebu na-rescue ng 911

Pinuri kahapon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ismael Sueno ang mabilis na aksyon ng mga ahente ng 911 at ng Philippine Coast Guard (PCG) na naging dahilan para masagip ang 29 na pasahero ng isang roll-on/roll-off vessel na nasiraan ng makina sa karagatang bahagi ng Cebu nitong Agosto 1.

Dahil aniya sa tulong ng emergency hotline 911 kaya nasagip ang mga pasahero ng MV Super Shuttle RORO 3 na nakaranas ng engine trouble sa gitna ng dagat.

Base sa report mula sa 911 National Operations Center, umalis ang RORO mula sa Masbate noong Hulyo 31 subalit tumirik ito sa Malapascua Island sa Cebu dahil sa serye ng engine malfunctions.

Nakatanggap ang 911 ng tawag mula sa isang concerned citizen na nagkataong nakita sa Facebook post ng kanyang mga kaibigan na humihingi ng tulong.

Agad nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng 911 sa PCG Action Center na rumesponde naman sa insidente at naisagawa ang rescue operation sa RORO na dumaong sa Pier 10 sa Ouano Wharf sa Mandaue City kasama ang 29 pasahero.

“The safety of 29 manifested passengers of MV Super Shuttle is one story we are happy to share and inform the public about, because emergency calls such as these are among the pressing concerns we want 911 to help address and attend to immediately. But, we will not be able to do so unless prank calls stop,” ayon kay Sueno.

Binigyan diin pa ng Kalihim na hindi lamang para sa rescue operation ang 911 dahil maaari rin itong makatulong sa buhay ng nangangailangan ng mabilisang atensyong medikal at maiwasan ang karahasan sa tahanan.

Sa kasalukuyan, mayroong 30 call agents ang 911 at madadagdagan pa aniya ito ng 15 sa sandaling mai-set-up na sa Cebu ang 911 emergency office sa Agosto 15.