Sa kabila ng sinasabing matumal na importasyon nakapagtala ng over-target tax collection ang tropa nina District Collector Marites Martin ng Port of Subic (PoS) para sa nakaraang buwan ng Pebrero.

Sa datos, tuma­taginting na P1,995,128,567.17 ang kanilang koleksyong buwis. Mas mataas ang halagang ito kumpara sa tax collection target na P1,841,460.00.

Suma-total, sina­sabing aabot sa P113,668,567,17 or 6.7% equivalent positive deviation ang collection surplus ng puerto.

Samantala, asahan na rin raw na magiging masigla at tagumpay ang resulta ng Public Auction ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP) na pinamumunuan ni District Collector, Atty. Erastus “Dino” Austria sa March 21, 2019.

Ayon kay Coll. Austria, mahigit P50M kumpiskadong iba’t ibang klase ng imported na produkto ang isusu­basta sa publiko na magkakaroon pa ng public viewing para sa mga lalahok na mga qualified bidder sa March 18 at 19.

Pamamahalaan ito ni MICP Deputy District Collector for Operations Gerry Macatangap, hepe ng Auction and Cargo Disposal Division (ACDD) sa naturang puerto.

Kasabay nito ay nanawagan si Coll. Macatangay sa mga negos­yenteng interesado sa public auction na humabol sa deadline upang makapagparehistro sa ACDD-MICP.