2K pamilyang mawawalis sa Manila Bay bibiyayaan ng sariling lupa

Bibigyan ng sariling lupang matitirahan ang mahigit 2,000 pamilya na masasapol ng rehabilitasyon at paglilinis sa Manila Bay.

Ito ang tiniyak ni da­ting Pangulo at ngayo’y Speaker Gloria Macapagal-Arroyo kasabay ng idinaos na pagdinig ng Oversight Committee on Housing.

Pakay ng idinaos na hearing na matugunan ang naantalang pamamahagi ng mga titulo ng lupa para sa mahihirap na benepisyaryo kaugnay ng inilabas na proklamasyon ni Arroyo sa panahong siya pa ang Pangulo ng bansa.

Nabunyag sa isinagawang pagdinig na mahigit 2,000 pamilya na naninirahan sa lupang pag-aari ng Philippine Ports Authority (PPA) sa Isla Puting Bato sa Maynila ang mawawalan ng tirahan kaugnay ng rehabilitasyon ng Manila Bay.
Bunsod nito, inalam ni SGMA kung ano na ang mga ginagawa hinggil sa paglilipat ng tirahan ng mga apektadong residente.

Inihayag naman ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago na nakahanda silang ibigay ang limang ektaryang lupang pag-aari ng ahensiya.

Maglalaan din aniya ng P1 milyon na gagamitin sa paghahanda bago makalipat ng lugar ang mga residente. ­