3 anak ni Hapilon, 2 Malaysian terrorists tinutugis pa

Kasama sa mahigpit na tinutugis ngayon ng militar sa main battle area sa Marawi ang tatlong anak ng napaslang na Abu Sayyaf Group (ASG) leader na si Isnilon Hapilon.

Ayon kay Lt. Gen. Carlito Galvez, ng Western Mindanao Command, kasama ang tatlong anak ni Hapilon at dalawa pang Malaysian na kabilang si Amin Bacu sa mahigit 10 pang nalalabing miyembro ng Maute terror group na tinutugis ng militar.

Sinasabing si Bacu ang itinuturing na tumata­yong lider ngayon ng mga natitira pang terorista sa battle zone area.

Bukod kay Bacu, isa ring Indonesian militant ang kasama sa hinahanap ng tropa ng pamahalaan.

Sa kabila nito, kumpiyansa naman si Galvez na ganap nang maidedeklarang tapos na ang limang buwang giyera sa Marawi City.

Gayunman, matapos na ianunsiyo na ang pagtatapos ng giyera sa lungsod, sinabi ni Galvez na magtitira pa rin ng sapat na puwersa ng militar sa lugar dahil hindi pa rin maaaring maging kampante ang pamahalaan dahil malaki ang posibilidad na maglunsad ng resbak o paghihiganti ang iba pang miyembro at tagasuporta ng Maute lalo na’t napatay sa bakbakan sina Omar Maute at Hapilon.