3-anyos nilunod ng ina at lover sa Davao City

Nahaharap sa kasong murder at parricide ang isang mag-live in partner dahil sa pagkamatay ng isang tatlong taong gulang na batang lalaki sa Davao City.

Kinasuhan ng murder ang suspek na si Sonny Mendoza, 22, at kasong parricide naman ang kakaharapin ng suspek na si Grace Agustin, 28, ang ina ng biktimang si Ian Gabriel Agustin Mendoza, 3, pawang mga residente ng Barangay Masina Pangil, Davao City.

Sa imbestigasyon ng Davao City Police, dumulog sa health center ng nabanggit na barangay ang mag-live in partner sa kadahilanang nawalan ng malay ang bata matapos umanong malunod sa ilog.

Dahil naobserbahan na nasa malubhang kondisyon na ang biktima, tumawag sa 911 at isinugod sa ospital ang bata pero idineklara itong dead on arrival.

Agad naman nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya at natuklasan na isinilid ang bata sa isang sako at saka inilubog sa tubig.

Nakapiit na ngayon ang mga suspek.